NAGA CITY- Patay ang apat katao kasama ang isang menor-de-edad matapos mahulog ang sinasakyang kotse sa Barangay Panaytayan, Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Melchor Dejellio, driver ng kotse, Salve Dejillo, Mary Ann Morata at Krisam Dejillo, 15-anyos pawang mga residente ng Barangay F. Simeon, sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Gary Mangente, hepe ng Ragay Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na mula sa Naga City ang nasabing mga biktima matapos magpadialysis ang isa sa mga ito.
Ayon kay Mangente, pinaniniwalaang posible umanong mayroong nakasalubong ang mga ito na nag-overtake na ibang sasakyan kung kaya umiwas lamang ito papunta sa gilid ng kalsada.
Aniya, mabilis umano ang patakbo ng driver ng sasakyan kung kaya hindi na umano nito nakontrol ang mga sumunod na pangyayare.
Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima para sa assistensya medical, ngunit ideniklara rin ang mga itong dead-on-arrival ng mga doktor.
Samantala, tinitingnan namang isa pa sa naging rason ng nasabing pangyayare ay ang kawalan ng mga warning sign sa lugar.
Sa ngayon, nagpapatuloy naman ang isinasagwang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.
Panawagan na lamang ni Mangente na palagiang mag-ingat sa pagmamaneho lalo na kung hindi gaanong kabisado ang daan.