NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang katawan ng dalawang senior citizens matapos matangay ng malakas na agos ng tubig baha sa spillway sa Brgy. Biong, Cabusao, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Jessie Delos Santos at Jun Grimploma, pawang mga senior citizens.

Maalala, kahapon Disyembre 1, 2024 kasabay ng naranasang malakas na pag-ulan, dulot ng Shearline at Inter Tropical Convergence Zone o ITCZ naranasan rin ang pagbaha sa ilang areas sa lalawigan ng CamSur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jose Reyes III, Local Disaster Risk Reduction and Management Office Head ng LGU Cabusao, sinabi nito na si Jesse ay unang natagpuan kaninang alas-4 ng madaling araw habang si Jun ay natagpuan naman kaninang alas-7:15 ng umaga.

Ayon kay Reyes, pupunta sana sa Legazpi City ang mga biktima upang magsamba bandang alas-5 ng umaga kahapon kung saan, sumakay ang mga ito sa e-trike kasama ang dalawa pang senior citizens.

Sa kasagsagan ng malakas na ulan kasama na ang malakas na agos ng tubig, nang matangay ng tubig ang kanilang sinasakyan na nagresulta upang matangay rin ang mga biktima, habang kaagad naman nailigtas ang dalawang kasama ng mga ito.

Kaugnay nito, nagpaalala naman ang opisyal na kapag nararanasan ang malakas na pag-ulan na nagreresulta sa pagbaha ay mas mainam na huwag ng lumusong pa at kung ipinag-utos na an pre-emptive evacuation, lalo na sa mga low-lying areas at prone sa baha, ay lumikas na upang makaiwas sa kahalintulad na pangyayari.