NAGA CITY- Sumuko sa tropa ng pamahalaan ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Camarines Norte.
Kinilala ang nasabing mga rebelde na sina Ka Adoy, 44-anyos, Ka Owen, 35-anyos, Ka Ikong, 32-anyos at Ka King, 27-anyos, pawang residentes ng Mobo, Masbate.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, nabatid na ang mga sumuko na ito ay kasapi ng Larangan 1 (L1), Bicol Regional Party Committee (BRPC), Komiteng Probinsiya 4 (KP4), Komiteng Larangan Guerilla 1 (KLG1) at ng Rehiyon Yunit Guerilla (RYG) na nagsasagawa ng operasyon sa lalawigan ng CamNorte.
Kaugnay nito, kasabay ng pagsuko ng mga rebelde, tinurn-over din nila ang apat na Improvised Explosive Devices (IED’s), dalawang kalibre .38 na badil, dalawang kalibre .45 na pistol, mga magazine at iba’t-ibang klase ng bala ng baril.
Samatala, ang pagsuko ng mga naturang mga personahe ang resulta ng malawakan at walang tigil na operasyon ng buong hanay ng kapulisan sa Bicol Region.
Ilan sa mga dahilan ng mga sumukong NPA ay ang mga pangakong napako gaya ng pagbibigay ng maayos at matahimik na pamumuhay, hindi na makataong pamamalakad at ang maling pagtrato sa kanila ng mga namumuno sa samahan.
Diumano, mistulang sumisikip na ang mundo kaya sila’y nagpasyang sumuko na.
Sa kabila nito, sasailalim naman ang mga ito sa mga proseso upang mapabilang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o ECLIP ng pamahalan tanganing mabigyan ang mga ito ng panibagong pagkakataon na mamuhay ng matahimik at payapa kasama ng kanilang mga pamilya.