NAGA CITY- Sugatan ang apat na katao matapos na aksidenteng mahulog sa kanal sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City.

Kinilala ang mga biktima na sina Niño Arida, 40-anyos, driver ng triycle at ang mga pasahero nito na sina Roberto Maaliw, 43-anyos at ang dalawa pang menor de edad.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang binabaybay ni Arida ang daan patungong Tayabas City, gamit ang minamanehong tricycle nang aksidente itong mawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan dahilan para bumulusok ito sa kanal.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, sinasabing pinakialaman umano kasi ng pasahero nito na si Maaliw ang manibela ng tricycle habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang apat na biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistnsiya medikal.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.