Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang “4+1” blended learning model kung saan apat na araw ng face-to-face classes at isang araw ng online learning ang ipatutupad, layuning mabawasan ang siksikan sa mga classroom at matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa.
Ayon kay Sec. Sonny Angara, bahagi ito ng mga hakbang ng DepEd habang pinapabilis ang pagtatayo ng bagong classroom. Ipinresenta ang plano sa 2026 General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Pasay City, kung saan hinikayat ni Angara ang mahigit 1,300 mayor na makipagtulungan sa gobyerno upang masiguro ang agarang solusyon sa kakulangan ng classroom
Sa kasalukuyan, umaabot sa humigit-kumulang 165,000 ang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa. Kabilang sa mga hakbang ng DepEd ang pagtatayo ng 30,000 classroom hanggang 2028, 16,000 sa mga lugar na siksikan sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships, pagpapalawak ng voucher program para sa private schools, at pag-leasing o pagbili ng mga foreclosed property para makalikha ng humigit-kumulang 1,000 classroom.
Pinayagan na rin sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act ang mga local government units na manguna sa pagpapatayo ng school buildings kasama ang DPWH at AFP Corps of Engineers. Isinusulong din ang pre-fabricated Learning Continuity Spaces na aabot sa 2,571 units ngayong taon sa 1,017 munisipalidad.
Lumagda rin ang DepEd at League of Municipalities sa memorandum of understanding upang pabilisin ang pagtatayo ng classrooms sa buong bansa, bilang tugon sa pangangailangan ng mas maayos at mas ligtas na learning environment para sa mga estudyante.













