NAGA CITY – Arestado ang limang drug suspect matapos ang isinagawang buybust operation sa Purok Bagong Buhay, Barangay Ibabang Talim, Lucena City.

Kinilala ang mga suspek na sina Mar Jay Zoleta, 29-anyos; Ariel Deodore, 27-anyos; Reymark Omaña, 25-anyos; Hermie Omaña, 24-anyos at Niel Ron Cuevas, 23-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na naaresto ang mga suspek matapos na makabili ang nagpanggap na posuer buyer sa mga suspek ng isang self-sealing plastic bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Kaugnay nito, maliban sa buy bust item nakumpiska kina Ariel, Hermie, Reymark at Neil Ron ang apat na plastic bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Samantala, nakumpiska rin kay Zoleta ang anim na piraso ng plastic bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P120,000.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.