NAGA CITY- Arestado ang 5 indibidwal sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa bayan ng Siruma Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Mark Anthony Cledera, Chief of Police Ng Siruma MPS, sinabi nito na matagumpay ang kanilang isinagawang operation kung saan limang indibidwal Ang nadakip.

Nakumpiska sa mga suspek ang 275 grams ng illegal na droga na nagkakahalaga naman ng 1.8 milyon kasama na ang nahuling baril sa isa sa mga ito. 

Sa naging imbestigasyon, napag alaman na ang mga arestado ay ang mga grupo na nagdedeliver ng ipinagbabawal na droga sa mga bayan- bayan at ang bayan ng Siruma ang isa sa kanilang target na pagde-deliveran.

Ang nasabing limang indibidwal ay mga residente ng Tinambac, Magarao, San Fernando at ang iba naman ay sa labas ng Cam Sur, sa probinsya ng ALbay. 

Dagdag pa ni Cladera, ito aniya ang tinatawag na high impact operation sa bayan ng Siruma. 

Matagal ang isinagawang pagmamanman ng kanilang operatiba katulong na rin ang regional drug enforcement unit. Maituturing na isa ito sa pinakamalaking buy bust operation na ginawa sa bayan ng Siruma at unang beses na pinakamalaking halaga ng droga ang nakumpiska.
Dagdag pa ng opisyal ang tatlo sa limang nahuli ay dati ng nahuli sa ilegal na droga, at ang isa ay kakalaya lamang wala pang isang taon. 

Ang mga naturang indibidwal ay may kanya-kanya ring negosyo sa kani-kanilang bayan na kung saan pag may mga malakihang transaksyon saka ang mga ito nagkasama-sama at ang mga pamamaraan ng kanilang pagbebenta ay discreet. 

Labis rin ang pagkaalarma nila nang napag alaman na sa limang nahuli ay mayroong isang babaeng menor de edad na kasama sa nakipagtransaksyon. 

Sa ngayon, hawak na ng mag kapulisan ang nasabing mga indibidwal at mahaharap sa karampatang kaparusahan.