NAGA CITY- Sugatan ang limang katao matapos magsalpukan ang dalawang tricycle sa Zone 3 Barangay Santiago Old, Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na si Lita Almonte, 57 anyos; Arlyn Palencia, 54-anyos; Arnel Seco, 40-anyos, Jealiam Vera, 29-anyos; at Penny Rose Palencia, 18-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang minamaneho ni Victor Almonte, 24-anyos, ang kanyang tricycle sakay ang apat na pasahero ng mabangga nito ang isa pang tricycle na minemaneho naman ni Dante Decena, 49-anyos habang sakay si Vera.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na tinahak ni Decena ang linya ni Almonte, dahilan upang magbangaan ang dalawang behikulo.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga pasahero kung saan agad naman na dinala sa ospital para sa asisitensiya medikal.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.