Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na magtatayo ng limang mega hatchery sa bansa upang palakasin ang food security at mabawi ang mga dagat na labis nang napangingisdaan. Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng proyekto na hikayatin ang fish farming at bawasan ang labis na pangingisda.
Itatayo ang mga hatchery sa Camarines Sur, Sorsogon, Quezon, Zamboanga Sibugay, at Pangasinan. Bawat pasilidad ay sasaklaw ng humigit-kumulang 40 ektarya at magkakaroon ng laboratoryo, palaisdaan, at iba pang pasilidad para sa produksyon ng hipon, hito, bangus, carp, at tilapia.
“The reality is our oceans are already depleted. They need time to rest,” pahayag ni Laurel, na nagbigay-diin sa pangangailangang bawasan ang labis na pangingisda upang makabawi ang populasyon ng isda sa dagat.
Aniya, ang proyekto ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang aquaculture bilang mas napapanatiling pinagkukunan ng pagkain. Magpo-produce at magpapamahagi rin ang mga hatchery ng fingerlings sa mga magsasaka at mangingisda upang suportahan ang sustainable na fish farming.
Target matapos ang proyekto pagsapit ng 2027, na may tinatayang gastos na P50 milyon bawat pasilidad, hindi pa kasama ang lupa. Sa kasalukuyan, naghahanap na ng pondo ang DA upang masimulan ang konstruksyon ng unang hatchery ngayong taon.














