NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ng Provincial Health Officer ng Quezon na nagnegatibo ang resulta ng eksaminasyon sa limang Persons Under Investigation (PUIs) sa banta ng novel coronavirus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Grace Santiago, sinabi nitong pinauwi na nila ang mga PUIs matapos lumabas ang naturang resulta.

Ayon kay Santiago, natutuwa sila na na-clear na ang record ng kanilang lalawigan sa banta ng nasabing sakit.

Sa kabila nito, muling nagpaalala si Santiago sa publiko na mag-ingat at panatilihing malinis ang katawan para makaiwas sa ganitong uri ng sakit.

Maliban dito, kinumpirma rin ni Santiago na pansamantala muna nilang hinold ang lahat ng mga request sa pagsasagawa ng mga dental at medical missions sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.

Aniya bahagi ito ng panibagong kautusan mula sa central office kung saan pinag-iingat ang publiko sa mga malalaking public events at mga close contact.