NAGA CITY- patay na ng makita ang katawan ng isang menor de edad matapos itong aksideteng mahulog sa Naga River sa parte ng Barangay Tabuco, Naga City.
Kinilala ang biktima na isang 5-anyos na lalaki.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Coast Guard Senior Chief Petty Officer Evangeline Pusing, Acting Commander ng Coast Guard Sub Station Camaligan, sinabi nito na nakita ang katawan ng biktima na wala ng buhay sa parte ng Barangay Tarusanan, Camaligan, Camarines Sur.
Ayon sa imbestigasyon, nadulas ang bata kaya nahulog ito sa nasabing ilog at tuloyang malunod. Napag-alaman pa na ang tanging nakakita sa insidente ang kalaro nitong limang taong gulang din.
Ayon pa kay Pusing, bandang alas-3:40 ng hapon, Hunyo 8, 2023 nang matanggap nila ang report tungkol sa insidente kaya agad din silang rumesponde. Ngunit ng inabotan sila ng dilim sa paghahanap sa biktima, pansamantalang itinigil ang operasyon dahil na rin sa malakas ang agos ng tubig sa nasabing ilog. Habang bandang alas-6 naman ng umaga kahapon, Hunyo 9, 2023, nagpatupad na ng search and rescue sa biktima kung saan nakuha ang bangkay ng bata isa hanggang dalawang kilomentro ang layo sa lugar kun saan ito nahulog bandang alas-9 ng umaga at bandang alas 9:30 rin naihatid ang bangkay nito sa kaniyang pamilya.
Samantala, nakatulong din sa operasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at 907 Auxillary.
Sa kabilang banda, nilinaw naman ng kapitan ng Brgy. Tabuco na si Hon. Elisa Carmona na hindi residente ng kanilang lugar ang biktima sa panayam naman nito sa Bombo Radyo Naga.
Ayon sa kapitana, taga Brgy. Sabang sa nasabing lungsod ang bata at pumunta lang sana ito sa kanilang barangay para bisitahin an kaniyang lola.
Aniya, nang mangyari ang insidente, naglalaba ang ina ng biktima habang nagpapasada naman ng padyak ang ama nito.
Sinabi pa ng kapitan na huminga naman ng tulong ang kasama ng biktima ngunit dahil nga sa lakas ng agos ng tubig, nahirapang hanapin ang biktima.
Sa ngayon, panawagan na lang ng dalawang opisyal na bantayang maiigi ang kanilang mga anak para maiwasan ang ganitong insidente.