NAGA CITY – Dumating na ang nasa 5,000 doses ng Sinovac Vaccine sa lungsod ng Naga bilang dagdag na supply ng bakuna sa lungsod.
Kung maaalala, matapos na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod, agad na nagpadala ng sulat si Mayor Nelson Legacion kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. para humingi ng dagdag na supply ng bakuna.
Sa naging pagharap naman ng alkalde sa mga kawani ng media, sinabi nito na naging malaking tulong umano ang pagkakasailalim sa MECQ ng lungsod upang mas mapabilis ang pagpapadala ng bakuna ng pamahalaan.
Kaugnay nito, kinakailangan umanong maubos na maiturok ang mga bakuna sa loob lamang ng lima hanggang anim na araw para sa replenishment gayundin ang pagpapasa ng report sa sektretaryo.
Dagdag pa nito, magpapatuloy naman ang pagbabakuna kahit na araw ng Sabado.
Inaasahan naman na nasa 5,000 doses o higit pa ang muling ipapadala ng pamahalaan sakaling maubos na ang mga bakunang unang naipadala.
Samantala, hinihintay naman ng alkalde na pirmahan ni Galvez ang multi-lateral agreement ng mga bakuna para makabili pa ang lungsod ng dagdag na bakuna.