NAGA CITY- Nahadlangan ang mga teroristang grupo na ipagdiwang ang kanilang ika-52 na anibersaryo.
Ito’y dahil umano sa pagdedeklara ng hukbo ng 2nd Infantry Divison, Philippine Army sa limang probinsiya bilang ‘insurgency free’ at ang tumataas na kaso ng mga sumusukong mga NPA sa Southern Luzon.
Sa opisyal na pahayag ng Camp General Mateo Capinpin ng Tanay, Rizal nabatid na ang mga lalawigan ng Cavite, Romblon, Marinduque at Laguna ang idineklarang nasa ilalim na ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status matapos matagumpay na matigil ang mga bayolenteng aktibidad ng mga rebeldeng grupo sa lugar.
Samantala, tinatayang aabot na sa 702 na mga rebeldeng grupo ang sumuko na sa gobyerno simula pa noong 2016.
Sa naturang bilang, 393 dito ang sumailalim na sa reintegration program ng gobyerno kung saan nakatanggap ang mga ito ng P700,000 na benipisyo habang 309 pa dito ang nasa proseso po.
Maliban dito, nasa 29 na mga pinaniniwalang miyembro ng teroristang grupo ang namatay sa engkwentro habang 58 naman na mga terorista ang nadakip noong nakaraang taon.
Mariin namang sinabi ni BGen Rommel Tello, acting Commander ng 2ID na tanggapin na lamang ng mga rebeldeng grupo na tuluyan na silang tinatalikuran ng kanilang mga kasamahan.
Ito’y dahil nakita na umano ng mga sumukong rebeldeng grupo ang mga panlilinlang sa kanila ng mga ito.
Tiwala si Tello na ang anibersaryo ng NPA ang magpapagising sa mga ito upang sumuko na dahil wala umanong mapapala ang pagsali sa teroristang grupo kung hindi kamatayan lamang.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng pwersa ng gobyerno sa Southern Luzon upang matunton at matapos na ang pananaig ng mga rebeldeng grupo bago matapos ang termino ni President Rodrigo Duterte.