NAGA CITY- Tinatayang aabot sa anim na miyembro ng mga pinaniniwalaang rebeldeng groupo ang sumuko sa gobyerno sa Tigaon, Camarines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division, Philippine Army, sinabi nito na sumuko ang nasabing mga indibidwal sa 83rd Infantry Battalion na naka base sa Barangay Mabalodbalod, Tigaon, Camarines Sur.
Ayon kay Belleza, kasabay ng pagsuko ng nasabing mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo ay ang ilang matatas na kalibre ng baril tulad na lamang ng tatlong caliber .45 semi-automatic pistols, isang M653 assault rifle at isang caliber .38 revolver pistol.
Nabatid na isa umano sa naging rason ng nasabing mga rebelde ay ang pagod na umano ang mga ito kung kaya napag desisyonan na ng mga ito ang sumuko na lamang sa gobyerno.
Kaugnay nito napagtanto rin umano ng mga ito na mali na ang kanilang pinaglalaban kung saan marami na ang nasasaktan at nalalagay sa kapahamakan.
Sa ngayon isasailalim na umano sa reintegration ang nasabing mga dating rebelde.
Habang tiniyak naman ni Belleza na mabibigyan ng tulong ang nasabing mga indibidwal para sa kaning pagbabagong buhay sa tulong ng gobyerno.