NAGA CITY- Lubog sa tubig baha ang anim na barangay sa bayan ng Labo, Camarines Norte dahil sa walang humpay na pag-ulan na nararanasan sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLT. Agosto Manila, Assistant Chief of Police ng Labo MPS, sinabi nito na pinasok na nang tubig baha ang ilang kabahayan sa bayan ng Labo gayundin sa Purok-1 Sitio Mambalinad, Brgy. Napilihan, Vinzons sa nasabing lalawigan.

Umapaw na rin ang tubig sa spillway sa bahagi ng Brgy. Magsaysay Capalonga. Habang abot haggang sa dibdib naman ang tubig sa spillway sa Barangay Exciban sa bayan pa rin ng Labo.

Kaugnay nito, pahirapan ngayon ang pagtawid ng mga residente sa lugar kun saan kinakailangan na ang paggamit ng lubid.

Dahil dito, inabisuhan na ang mga residentes na huwag ng pilitin pa na tumawid sa spillway upang maiwasan ang anuman na aksidente.

Ayon pa sa opisyal, na sa kasalukuyan hindi muna madaanan ang mga kalsada sa Daet, Sta Elena, Labo papunta sa Metro Manila dahil sa pagbaha.

Na-stranded naman ang ilang mga sasakyan sa bahagi ng Brgy. Exciban, Labo Camarines Norte dahil pa rin sa nabanggit na pagbaha.

Maliban dito, mayroong naitalang pagguho ng lupa sa Sitio Cabungahan, Barangay Kabatuhan, Labo, Camarines Norte dahil sa patuloy na pag-ulan sa lugar.

Inabisuhan na ang mga motorista na dumaan sa alternatibong ruta upang maiwasan ang abala at manatiling ligtas sa pag-biyahe.

Batay sa Weather Advisory ng DOST-PAGASA patuloy na makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang lalawigan ng Camarines Norte dahil sa shearline.

Samantala, mayroon na ring inilikas na mga residentes sa mga binahang lugar upang manatiling ligtas ang mga ito.

Sa ngayon, walang nairehistrong casualties dahil sa nasabing pagbaha.