NAGA CITY – Patuloy na pinaghahanap ang limang pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo matapos ang nangyaring engkwentro sa Brgy. Alianza, San Fernando, Camarines Sur.
Kinilala ang mga suspek na sina Arnel Repano, Gemma Castro at Julian Garfin, residente ng Libmanan Camarines Sur, gayundin sina Nicole Doe, at Jimson Malaque, residente naman ng Salvacion, Pasacao sa naturang lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang nagsasagawa ng strike operation ang mga miyembro ng Charlie Company, 9th IB, at 9th ID ng makasaguoa ng mga ito ang nasa sampong armadong pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo sa naturang lugar.
Tumagal ang palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde ng halos sampong minuto bago pa man tumakas ang mga ito sa kabundukang bahagi ng Brgy. San Isidro, Pamplona, Camarines Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na wala namang nasugatan sa magkabilang panig.
Narekober din ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang long magazine na may anim na live ammunition para sa caliber 5.56 na baril, gayundin ang mga personal na kagamitan ng naturang mga rebelde.
Sa ngayon, nakasampa na sa Camarines Sur Police Provincial Office ang kasong attempted murder sa naturang mga suspek habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa insidente.