NAGA CITY- Umabot na 601 ang kaso ng tubercolosis sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Delmari Bernadetta Novelo, National Tubercolosis Nurse Coordinator, sinabi nito na ang nasabing bilang o kaso ang maaari pang tumaas kung ikukumpara sa nairehistro noong nakaraang taon na umabot sa 1,036.
Ayon kay Novelo, sa 601 na kaso, iba’t iba umano ang edad at malaking porsiyento dito ang dahil sa hawaan na nangyayari sa loob ng bahay.
Dagdag pa nito, ang indibidwal na mayroon ng nasabing sakit ang nakakaranas ng dalawang linggo na pag-ubo, pagbaba sa timbang, lagnat, nahihirapan sa paghinga na minsan an nauuwi pa sa malalang epekto.
Dahil dito, kailangan umano ang pagpakunsulta sa mga doktor upang kaagad na malaman ang kalagayan ng katawan ng isang indibidwal.
Binigyan diin pa ni Novelo na ang taong mayroong tubercolosis, posibleng makahawa sa nasa 20 katao sa pamamagitan ng pag-ubo. Kung kaya importante na magsuot ng facemask at mag-exercise ng proper hygiene upang mapigilan an pagkalat ng sakit.
Maliban dito, kailangan din na magsailalim sa gamutan ng nasa 6 hanggang 12 buwan dahil kung pabayaan ay posibleng mauwi sa kamatayan ang isang tao na mayroon nito.
Sa ngayon, hinikayat na lamang ni Novelo ang publiko na alagaan ng mabuti ang kanilang mga sarili upang maiwasan ang anuman na komplikasyon.