NAGA CITY- Ginugunita ngayong araw ang 63rd Birth Anniversary ni Former DILG Sec. Jesse M. Robredo sa Naga City.
Sa naging pahayag ni Vice President Leni Robredo, nagpaabot ito ng kaniyang pasasalamat sa lahat ng Nagueño at kapwa Bicolano sa pagbibigay karangalan sa legasiya na naiwan ng nasabing dating opisyal.
Sinabi rin ng pangalawang pangulo na kahit siyam na taon ng wala ang kaniyang asawa, ramdam pa rin nito na hindi siya iniwan nito sa kabila ng hirap na kaniyang dinaanan.
Aniya, ang mga aral umano na iniwan ni Jesse Robredo ang kaniyang naging sandigan upang malampasan ang mga panggigipit laban sa kaniya.
Naging inspirasyon din ng Bise Presidente ang mga turo ng kaniyang asawa gaya na lamang ng sinabi nito na ang pinakamagandang politika umano ay ang maayos at malinis na pamumuno.
Binigyang-diin din ni VP Leni na hindi niya tatalikuran ang mga pangakong iniwan ni Jesse Robredo para sa mga Bicolano na siguraduhin ang maayos na pulitika sa lugar hanggang sa darating na panahon.
Sa ngayon, kahit siyam na taon na mula ng bawian ito ng buhay ay buhay pa rin sa alaala ng bawat Nagueño ang mga naiwang legasiya ng naturang opisyal.