NAGA CITY- Patay ang isang indibidwal matapos na mabangga ang kanyang minamanehong van sa Atimonan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si alyas Jefferson, 40-anyos, residente ng Brgy. Marinig Cabuyao Laguna.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Diversion Rd Brgy Sta Catalina Atimonan, Quezon papunta sa Pagbilao, Quezon ng mabangga ito ng minamanehong truck ni alyas Jollebert, 28-anyos, residente ng Brgy. Del Pilar San Fernando Pampanga.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na nagkaroon ng mechanical defect ang minamanehong truck ni alyas Jollebert na nagresulta upang mawalan ito ng kontrol sa sasakyan at tuloy-tuloy na duma-osdos pababa na naging dahilan upang mabangga nito ang nasabing van na minamaneho ng biktima.
Dahil sa pangyayari, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na kaagad naman na dinala sa ospital pero idineklara rin na dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, nagtamo naman ng sugat ang kasamahan ni alyas Jollebert na kinilalang si alyas Romar, 42-anyos, residente ng Brgy. Iba Oeste Calumpit Bulacan na kaagad naman na dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa nasabing insidente.