NAGA CITY- Napinsala ang pitumput-walong mga kabahayan matapos manalasa ang isang buhawi sa Barangay Sabang, Vinzons, Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Romer Elep, Operations and Warning Officer ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)-Vinzons, sinabi nito na sa nasabing bilang, labinlimang mga kabahayan dito ang totally damage at hindi na matitirhan pa.
Nadamay din umano sa mga napinsala ang ilang linya ng kuryente, classroom at maging ang kabuhayan ng mga residente dahil labing-apat na mga barko ang itinaob ng nasabing buhawi.
Bagamat may mga una nang naitalang buhawi sa nasabing bayan, ito aniya ang unang pagkakataon na nagresulta sa pagkapinsala ng mga kabahayan sa naturang lugar ang nanalasang buhawi.
Sa ngayon, tiniyak naman ni Elep na nagsasagawa na sila ng mga assessment para matulungan ang mga nabiktima ng naturang kalamidad.