NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad matapos malunod sa Pasacao, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na isang 8-anyos, residente ng Brgy. San Cirilo sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edmer Miravelles, MDRRMO Officer, sinabi nito na habang naliligo ang biktima sa karagatang sakop ng Pinagpala, Balogo sa bayan ng Pasacao kasama ang kaniyang mga kamag-anak nang hindi ito mapansin ng kaniyang mga kasama na nalulunod na.
Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, napag-alaman na batay sa naging salaysay ng nanay ng bata na si Maricel Bagadiong, nakita na lamang umano nito ang kaniyang anak na sinubukang iligtas ng isang concerned citizen.
Agad namang itinakbo sa ospital ang biktima para sa asistensiya medikal ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Sa kabila nito, dahil sa kaliwa’t kanan na naitatalang drowning incident, patuloy pa rin ang paalala ng opisyal sa lahat lalo na sa mga magulang na sakaling may kasamang mga menor de edad o mga bata sa outing o swimming, mahigpit ang mga itong bantayan para makaiwas sa ganitong mga insidente.