NAGA CITY- Isinugod sa ospital ang walong residente ng Tambang, Tinambac, Camarines Sur matapos na makaranas ng pagsakit ng tiyan at masamang pakiramdam matapos na kumain ng laman ng kamoteng kahoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dominador Jun Maño Jr, Barangay Kapitan ng Tambang, Tinambac, Camarines Sur, sinabi nito na iniwan umano ng mag-asawa ang nilulutong laman ng kamoteng kahoy sa kanilang anak ngunit hindi masyadong naluto dahil papatay-patay umano ang apoy at hindi masyadong nabantayan ng mabuti.

Ayon pa kay Maño, sampung katao an nakakain ng nasabing kamoteng kahoy ngunit walo lamang ang dinala sa ospital.

Dagdag pa ng opisyal, hindi na sumama pa ang dalawang biktima matapos na bumuti ang kanilang pakiramdam.

Unang dinala sa Tinambac Infirmary ang nasabing mga indibidwal ngunit kalaunan ang inilipat sa isang ospital sa lungsod ng Naga.

Samantala, kasalukuyan naman nagapapagaling na sa ospital ang nasabing mga indibidwal.

Sa ngayon, muling nanawagan ang opisyal sa mga nasasakupan nito na bantayan ng mabuti ang kanilang mga niluluto upang maiwasan ang food poisoning lalo na ngayong holiday season.