NAGA CITY- Sa kabila ng nagpapatuloy na COVID-19 crisis, patuloy din ang suportang ibinibigay ng pamahalaan ng United Kingdom sa mga empleyado sa pagbibigay ng 80% porsiyento ng kanilang sahod kahit hindi nagtatrabaho.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Paul Ledesma ng United Kingdom, sinabi nito na ito ay upang magkaroon pa rin sila ng kita sa kabila ng naturang pandemic.

Dagdag pa nito, na maging ang mga residente sa lugar na walang trabaho at pambili ng pagkain, nakakakuha rin ng suporta mula sa pamahalaan ng naturang bansa.

Mayroon din aniya ang pamahalaan ng food bank para sa mga residenteng walang maaasahan.

Samantala, kahapon aniya binuksan ang application ng mga employers para sa kanilang mga empleyado para sa government grant.

Aniya, nasa 140,000 ang mga negosyong nag-aaply dito kung saan nasa 1,000,000 ang bilang ng empleyadong makakatanggap nito.

Tiniyak rin nito na wala aniyang pinipili ang pamahalaan ng UK sa pagbibigay ng naturang tulong at suporta.