Isang hindi pa nakikilalang magnanakaw ang tumangay sa tinatayang 800 taong gulang na bungo na pinaniniwalaang kay Saint Zdislava of Lemberk mula sa isang simbahan sa hilagang Czech Republic, ayon sa pulisya nitong Miyerkules.

Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang pagnanakaw sa Saint Lawrence and Saint Zdislava Basilica sa Jablonné v Podještědí, humigit-kumulang 110 kilometro hilaga ng Prague, noong Martes.

Makikita sa CCTV footage ang isang taong nakaitim na mabilis na tumatakbo palabas ng simbahan habang bitbit ang umano’y bungo ni Saint Zdislava of Lemberk matapos basagin ang display case kung saan ito nakalagay.

Si Saint Zdislava of Lemberk, na nabuhay noong 1220 hanggang 1252, ay kilala sa kanyang malasakit sa mahihirap at pagiging mapagkawanggawa. Idineklara siyang santo ni Pope John Paul II noong 1995.

Advertisement

Ayon kay Prague Archbishop Stanislav Přibyl, labis ang kanilang panghihinayang sa insidente, lalo na’t ang relikya ay dinarayo ng mga peregrino at may mataas na halaga sa pananampalataya at kasaysayan.

“This is devastating news,” ayon sa archbishop, at iginiit na mahirap paniwalaan na sa gitna ng araw ay nagagawa ang ganitong pagnanakaw sa isang sagradong lugar.

Sa unang pahayag ng pulisya, isang lalaki ang itinuturong suspek, ngunit kalaunan ay nilinaw na patuloy pa ring beripikasyon ang isinasagawa sa pagkakakilanlan ng taong nasa CCTV footage.

Patuloy ang imbestigasyon habang pinaghahanap ang nawawalang relikya na itinuturing na mahalagang bahagi ng relihiyoso at kultural na pamana ng bansa.

Advertisement