NAGA CITY – Napansin ng Department of Trade and Industry-Camarines Sur sa kanilang monitoring sa mga establisyimento sa lalawigan na karamihan sa mga ito ay nagbebenta ng school supplies sa presyong mas mababa sa Suggested Retail Price.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Percival Ablan, Provincial Director ng DTI-CamSur, sinabi nito na 83% ng kanilang mga binabantayang establisyimento ay nagbebenta ng mga gamit pang-eskwela sa ibaba ng mas mababa sa itinakdang SRP habang ang 20% ​​ay pinananatili ang presyo.

Dagdag pa ng opisyal, sa 193 na Shelf Keeping Units (SKUs) na binubuo ng iba’t ibang brand at size ng school supplies, 36 sa mga ito ang ibinebenta nang mas mataas ng bahagya kaysa sa kanilang SRP.

Nagtaas ang mga ito ng nasa P.50 hanggang P3.80, habang ang 29 naman sa mga ito ay bumaba ng P.50 hanggang P2.50. Habang karamihan dito ay napanatili ang presyo batay sa nakatakdang SRP.

Ayon sa opisyal, maaaring dahil ito sa pagkakaroon ng maraming establisyimento sa Naga City at Camarines Sur na nagkukumpitensya at nagmomonitor sa presyo ng kanilang mga produkto na nagresulta sa pagbaba ng kanilang mga presyo.

Posible rin na dahil sa layo ng probinsya sa Metro Manila, mas mababa ang kanilang ginagastos sa pagbili ng mga produkto.

Dagdag pa rito, mas marami silang binibili ng mga produkto na nagpapamura sa kanila na nagreresulta din sa mas mababang bentahan kumpara sa ibang mga lalawigan sa rehiyon ng Bicol.

Aniya, ang parehong sitwasyon ay kapaki-pakinabang sa bawat mamimili.