KINONDENA ng Solid Leni Bicol ang siyam na alkalde sa Camarines Sur matapos na maiulat na nagpahayag ang mga ito ng pagsuporta kay Presidential aspirant Ferdidand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Ronald “Bong” Rodriguez ang regional campaign manager ng nasabing grupo, sinabi nito na hihintayin nila hanggang ngayong araw ang paliwanag ng nasabing mga alkalde kung bakit nila susuportahan ang nasabing kandidato.

Kinabibilangan ito nina Mayors Fermin Mabulu ng San Fernando, Camarines Sur ; Amelita Ibasco ng Bula; Tom Bocago ng Sipocot; Melanie Abarientos ng Del Gallego; Weny Sabalbero ng Cabusao; Nelson Legaspi ng Canaman; Ed Severo ng Calabanga; Chris Lizardo ng Minalabac; Leonardo Agos ng Gainza.

Samantala, una nang nagpaliwanag sina Mayor Boy Franco ng Pamplona at Mayor Anthony Reyes ng bayan ng Milaor, na mananatili pa rin ang kanilang suporta kay Vice President Leni Robredo at nilinaw rin ng mga ito wala umano sila sa mga lumabas na mga larawan kasama si Marcos.

Kaugnay nito, tinagurian na ngayon na 9/11 mayors ang mga nasabing alkalde na hindi pa nagbibihay ng pahayag hinggil sa nasabing isyu.

Sa ngayon, paalala ng nasabing grupo na hihintayin nila hanggang ngayong araw ang paliwanag ng tinatawag na 9/11 mayors bago ipamalas ng mga taga suporta ng bise presidente ang kanilang pagpoprotesta at galit sa nasabing mga opsiyal.

Sa kabila nito, apat naman na gobernador naman ng Bicol na sina Gov. Al Francis Bichara ng Albay, Gov. Joseph Cua ng Catanduanes, Gov. Migz Villafuerte ng CamSur at Gov. Edgardo “Egay” Tallado ng Camarines Norte ang nagpahayag ng kanilang suporta kay BBM.

Ito ay dahil umano sa maayos na paglatag ni ng nasabing kandidato sa kaniyang mga plano at plataporma de gobyerno upang maibsan ang kahirapan sa Rehiyong Bicol gayundin ang insurgency na mahabang dekada ng suliranin ng mga Bikolano na sanhi ng mabagal na pag-unlad.