Tinanggihan ng Sandiganbayan Sixth Division ang petisyon ng siyam na opisyal ng DPWH-Mimaropa na makapag-piyansa kaugnay ng umano’y irregularidad sa P289.5-milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro, batay sa bigat ng ebidensya laban sa kanila.

Ayon sa anti-graft court, pinatunayan ng ebidensya sa bail hearings na may partisipasyon ang bawat isa sa proseso ng pag-apruba at sertipikasyon ng mga dokumento para sa proyekto, na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng pondo sa contractor kahit hindi ito sumunod sa kinakailangang specifications.

Ipinunto ng korte na ang desisyon sa bail ay hindi nangangahulugang guilty ang mga akusado, kundi tinitingnan lamang kung malakas ang ebidensya laban sa kanila.

Kasama sa hindi pinayagang makabail sina Gerald Pacanan, Gene Altea, Ruben Delos Santos Jr., Dominic Serrano, Lerma Cayco, Felisardo Casuno, Dennis Abagon, Juliet Calvo, at Montrexis Tamayo, na humarap sa hearings mula Enero 2026.

Advertisement

Ang desisyon ay nakasaad sa 41-pahinang resolusyon na pinangunahan ni Sandiganbayan Chairperson Sarah Jane T. Fernandez at sinuportahan nina Associate Justices Kevin Narce Vivero at Lord Villanueva.

Advertisement