NAGA CITY- Nagpapagaling pa ngayon sa ospital sa lungsod ng Naga ang walong miyembro ng isang pamilya kabilang na ang limang mga menor de edad matapos bumaliktad ang sinasakyan nitong van sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur.
Ito ang kinumpirma ni PO2 Emy Rose Organis, tagapagsalita ng Libmanan-PNP sa panayam ng Bombo Radyo Naga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, iniwasan ng L300 van na minamaneho ni Santiago Ragas, 70-anyos ang isang puno na nasa gitna ng kalsada sa bahagi ng barangay San Isidro sa parehong bayan.
Hindi aniya napansin ng driver ng van na malapit na ito sa gilid nang kalsada kaya naman bigla na lamang itong bumaliktad.
Ayon kay Organis, nagpapatuloy ang ginagawang road widening sa lugar kung kaya’t mayroong puno ng kahoy sa kalsada kun saan nangyari ang aksidente.
Samantala, mabilis din aniya ang pagpapatakbo ni Ragasa ng sasakyan kaya naman hindi na nito nakontrol ang van nang subukan nitong iwasan ang puno ng kahoy.
Nabatid na galing aniya ang naturang pamilya sa Barangay Umalo at patungo sana sa lungsod Naga para magsimba.
Swerte namang minor injuries lamang ang tinamo ng mga biktima na kaagad naman na naisugod sa ospital upang maipagamot.