NAGA CITY – Arestado ang nasa 25 indibidwal kasama na ang tatlong menor de edad dahil sa group drinking at curfew violation sa Zone 6 Barangay Triangulo, sa lungsod ng Naga.
Kung maaalala, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitipon-tipon, pag-iinuman gayundin ang pagpapatupad ng curfew sa naturang lungsod matapos itong isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, nabatid na mga barangay tanod ang unang rumesponde sa lugar at agad na dinala ang mga ito sa barangay hall sa nasabing barangay.
Kaugnay nito, agad namang inisyuhan ng ticket ang mga nadakip at dinala sa Naga City Police Station.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad napag-alaman na dumalo ang mga ito sa birthday party kung saan nagkaroon ng inuman.
Ayon pa dito, agad rin namang pinauwi ang tatlong mga menor de edad.
Samantala, ngayong araw naman, inaasahan na rin ang pagpapalaya sa iba pang mga naaresto sa nasabing insidente.