NAGA CITY- Sinang-ayunan ng isang Punong barangay sa Camarines Sur ang panukalang armasan ang mga kapitan at tanod.
Sa pagharap ni Kapitan Ferdinand Brazil ng Barangay Sto. Domingo, Bula Camarines Sur sa mga kagawad ng media, sinabi nito na makakatulong umano ang nasabing panukala para sa pagpapatupad ng pase orden.
Lalo na aniya kung mayroong insidente ng mga krimen o kaguluhan sa loob ng isang partikular na barangay kung saan armado pa ang mga ito.
Una dito, dati ng mayroong naipasang batas na pwedeng humawak ng armas ang mga kapitan ngunit mas mabuti aniya kung pati ang mga barangay tanod ay mayroon ding proteksiyon lalo na’t sila ang pinakauna na nagreresponde sa mga inuulat na insidente.
Samantala, dagdag pa ni Brazil na bumili na rin aniya ng mga kaukulang kagamitan ang barangay tulad na lamang ng tear gas at posas bilang sagot kung sakaling magkaroon ng kaguluhan.