NAGA CITY – Ipinaliwanag ng isang Campus Director ng Philippine Science High School (PISAY) ang dahilan kung bakit nasa 5,000 lamang ang naadmit sa mahigit 11,000 passers ng Philippine Science High School Examination.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga ki Engr. Lorvi Pagorogon, Campus Director ng Philippine Science High School-Bicol Region Campus, sinabi nito na nasa mahigit 11,000 ang mga nakapasa sa examination ng naturang paaralan sa 16 campuses sa buong bansa. Ngunit tanging 5,000 lamang ang kayang ma-accommodate ng paaralan.
Samantala, ang mahigit 5,000 passers ay ang tinatawag na principal qualifiers habang ang natitirang mga passers ay alternate qualifiers.
Kung saan, kapag nagkaroon ng slot o hindi nagpatuloy ang isang mag-aaral sa principal qualifiers ay kukuha sa alternate qualifiers ayon sa rankings nito.
Sa kabilang banda, sa Bicol Region Campus, nasa 120 principal qualifiers na kwalipikado para sa main campus at mahigit 90 alternate qualifiers.
Kaugnay nito, ipinaliwanag pa ni Pagorogon na bago paman ang pagsusulit, ay sinabi na nila sa kanilang kampanya sa mga Elementary schools, na limitado lamang o nasa 120 slots lang ang kanilang kukunin.
Isa pa kasi sa kanilang kinokonsidera ay ang pasilidad, mga kagamitan ng paaralan at kakulangan sa pondo.