NAGA CITY– Nagbanggaan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng Andaya Highway sa Brgy Bulawan Sr. Lupi, Camarines Sur, nitong Biyernes, Abril 4, 2025 ng gabi.
Kung saan, isang oil tunker at isang dump truck ang nasangkot sa aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Evenezzer Montalbo, tagapagsalita ng Lupi Fire Station, sinabi nito na mabilis ang pagmamaneho ng dalawang sasakyan.
Ayon kay Montalbo, madilim ang nasabing kalsada at nagsasagawa ng road reblocking.
Dahil sa salpukan ng dalawang sasakyan, na-trap ang driver ng dumptruck sa driver seat kung saan, nahirapan aniya ang mga awtoridad na alisin ito sa truck, bagay na mas lalo pang nagdulot ng bumper to bumper na traffic dahil umabot ng halos isang oras at 40 minuto bago marescue ang sugatang biktima. Habang wala namang naiulat na pinsala sa dalawang pasahero ng oil tunker.
Dagdag pa ng opisyal, prone sa aksidente ang lugar kaya muli niyang pinaalalahanan ang mga driver na iwasan ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan at sakaling makaramdam ng pagod, mas mabuting huminto at magpahinga, gayundin ay habaan ang kanilang pasensya.
Sa ngayon ay patuloy na nagpapagaling pa sa hospital ang driver ng dump truck.