NAGA CITY – Posibleng tumaas ang taripa sa kuryente sa susunod na buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rinner Bucay, Sokesperson ng CASURECO II, sinabi nito na taun-taon at tuwing tagtuyot ay maraming isyu ang pagdating sa supply ng kuryente kabilang ang emergency shutdowns.
Dagdag pa nito, kapag naideklara na ang red alert, maaaring maapektuhan ang area coverage o mga lugar na sakop ng Casureco II.
Ayon kay Bucay, ang supply ng kuryente ang pangunahing isyu lalo na sa mga darating na okasyon tulad ng darating na halalan kung saan hindi ito kontrolado ng kanilang kooperatiba.
Samantala, nakahanda na rin ang kanilang kooperatiba para sa supply ng kuryente pagdating sa pamamahagi nito ngunit pagdating sa pangunahing pinagmumulan ng mga power plant o mga gumagawa ng kuryente, ito rin ang hindi nila kontrolado sa ngayon.
Kaya sa ngayon, umapela si Bucay lalo na sa mga mamimili ng kuryente na mas mainam na magtipid sa kuryente, pero kung hindi aniya kaya ay gamitin na lamang ito ng maayos.
Iginiit nito na kasabay ng init ng panahon, iinit din ang pagtaas ng singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay tumaas ng halos P2.00 ang singil sa kuryente kaya pinaalalahanan ni Bucay ang publiko na maging handa ngayong buwan dahil sa panahong ito ay talagang tumataas ang singil sa kuryente.