NAGA CITY- Inihayag ng pamunuan ng National Food Authority Camarines Sur na kulang at nangangailangan ang kanilang opisina nang mga warehouses na mapaglalagyan ng biniling palay mula sa mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marbin Malabanan, OIC, Branch Manager ng NFA-Camarines Sur, sinabi nito na sa kasalukuyan malaking hamon para sa NFA-Camsur ang mga dagdag na pasilidad na imbakan nang kanilang biniling palay lalo pa’t nasa harvest season ngayon ang mga local farmers sa lalawigan ng Camarines Sur at Camarines Norte.
Ayon sa opisyal, dahil nasa dry season, inaasahan na magigin maganda ang ani ng mga magsasaka sa ngayon na magreresulta naman sa mas magandang bilihan ng palay.
Ngunit kaakibat nito, isa sa mga kinakaharap na hamon ng nasabing tanggapan ang mga warehouses na magsisilbing imbakan ng mga palay.
Hindi umano maaring basta na lamang uupa ng mga pasilidad na hindi chene-check lalo pa’t magreresulta ito sa pagkasira ng mga palay at pagsasayang ng pondo.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Malabanan na patuloy ang kanilang paghahanap nang mauupahan na warehouse gaya na lamang sa may bahagi nang Pili, Tigaon at Naga.
Oras na magbukas ang nasabing mga warehouses, maaari na umanong muling tumanggap ng palay ang National Food Authority Camarines Sur.
Sa kasakulukuyan, sapat naman ang buffer stock ng palay ng tanggapan na umaabot sa 400,000 bags.
Samantala, mayroon namang malaking pasilidad na ipinapagawa ang National Food Authority Camarines Sur sa may bahagi ng Libmanan ngunit aabutin pa nang halos pitong buwan bago ito matapos at magamit.
Sa ngayon, tiniyak ng opisyal na tuloy-tuloy ang milling ng mga palay upang mabawasan ang mga imbak na palay at muling ma-accomodate ang mga magsasaka sa kanilang ibenebentang palay.