NAGA CITY – Nilinaw ng isang Filipino sa Spain na ang nangyaring malawakang pagkawala ng kuryente sa ibang bahagi ng Europe ay walang indikasyon ng cyber attacks, ayon na rin sa European Union.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Fr. Cedric Errol Barroquillo, OSA mula sa Spain, inakala nito na normal lang ang pagkawala ng kuryente sa naturang lugar ngunit, nabalitaan nito na kahit sa ibang bahagi ng Europe gaya ng Portugal ay nawalan rin ang supply ng kuryente.
Dahil dito, huminto ang sistema ng tren at paliparan, hindi rin gumana ang mga traffic lights at pati mga establisyimento ay nagsara.
Ayon kay Barroquillo, una nang inakala ng mga residente doon na ang pagkawala ng kuryente ay isang cyber attack, ngunit ayon sa mga lokal na ulat, ang pagkawala ng kuryente ay sanhi ng induced atmospheric variation o ang nakakaapekto sa electromagnetic field, habang ang iba naman ay nagsabi na ito ay dahil sa climate change.
Samantala, nagkaroon din ng panic buying ang mga residente bilang paghahanda sa maaaring mangyari.
Matatandaan, malaking bahagi ng Spain at Portugal ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Naapektuhan din ang Basque County sa timog-kanluran ng France.
Pagkatapos ng halos anim na oras, bahagyang naibalik ng Spanish power operator na Red Electrica ang supply ng kuryente.
Samantala, ayon pa kay Barroquillo, umaasa sa kuryente ang nasabing mga lugar kaya labis na naapektuhan ang mga mamamayan ng matinding pagkawala ng kuryente.