NAGA CITY – Patay ang isang 21-anyos na binata matapos na makaladkad ng tren sa Libmanan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMS Juan Batolina, PIO ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na bago pa ang insidente nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan ang biktima at kapatid nito.
Ayon sa opisyal, dinamdam ng hindi na pinangalanan na biktima ang mga nasabi nang kanyang kapatid kung kaya tuliro umano ito na lumabas nang kanilang bahay.
Kaugnay nito, habang naglalakad sa riles ng tren, hindi umano nito napansin ang paparating na tren na nagresulta sa nasabing aksidente.
Sa paunang imbestigasyon ng nasabing hepatura, lumalabas na nakaladkad umano ng naturang tren ang biktima at tumilapon rin limang metro ang layo mula sa kinaroroonan nito.
Dahil sa pangyayari, nagtamo nang malalang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Samantala, dahil sa biglaang pagsulpot ng biktima sa riles, hindi na umano nagawang makapag-break nang driver ng tren.
Sa ngayon, muling nanawagan si Batolina sa mga residente na natira malapit sa riles ng tren na doblehin ang kanilang pag-iingat upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.