NAGA CITY- Inirereklamo nang mga residente sa Barangay Malbong, Gainza, Camarines Sur an palpak at hindi maayos na pagkakagawa ng isang flood control project sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Delvin Constantino, residente ng nasabing lugar sinabi nito na mali at pangit umano ang nasabing proyekto dahil yung 20 feet na 6 panel ay ginawang tatlo na lamang kung saan sobra na ang iksi nito.

Dagdag pa Constantino, hindi pa umano natatapos ang ginagawang proyekto ay nagkakandabitak-bitak na ito, kaya naman hindi napakinabangan lalo pa sa kasagsagan nang pagbaha sa kanilang lugar dahil umano sa taas ng pagkakagawa ng flood control project.

Ayon pa sa residente, ang inilagay na bakal ay maliit kung saan binuo lamang ito ng sampung sako ng buhangin, sampung sako ng bato at isang supot na sako lamang ng semento, maging ang gitna ng nasabing proyekto ay lupa at ang paligid ay bato.

Advertisement

Gayundin, 2 o tatlong buwan lamang umano ginawa ang proyekto kung saan sa ibabaw lamang maganda, subalit sa ilalim ay kahit isang de kwatrong pako ay kayang tumagos dito dahil sa sobrang hina ng pundasyon.

Binigyang-diin pa ni Constantino na sinasabi daw sa kanilang lugar na umabot ng mahigit 70 million ang proyekto, ngunit sa kanilang obserbasyon hindi umano aabot ng 20 milyon ang gastos dito.

Samantala, Ang proyekto ay kasama sa mga naireport sa Sumbong sa Pangulo website, kung saan Ang proyekto ay nagkakahalaga nang P74, 250,000 at natapos noong November 20,2023. Ang contractor na may hawak nang nasabing proyekto ay Ang Legacy Construction.

Maaalala ang Legacy Construction ay siyang nanguna sa labing limang contractors na Pinangalanan ni Presidente Marcos Jr nang siyang may pinakamaraming nahawakan na mga anti-flood projects mula pa noong 2022.

Maalala, isa lamang ang bayan ng Gainza sa lalawigan nang Camarines Sur na kasali sa mayroong mataas na bilang nang flood control project.

Sa ngayon, hangad na lamang ng residente na masuri nang mabuti ng mga kinauukulan ang nasabing flood control project sa kanilang lugar upang mapanagot ang may kagagawan sa palpak na proyekto.

Advertisement