NAGA CITY- Naitala ang stranded na mga pasahero sa Pasacao Port dahil sa binabantayang si Tropical Depression Wilma.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lieutenant Junior Grade Eidderf Lloyd A. Olea -Deputy Commander ng PCG CamSur, sinabi nito umabot sa labing limang indibidwal ang na-stranded sa nasabing pantalan kun saan ang ilan sa mga ito ay napilitang pumunta sa malapit na mga travellers Inn.
Aniya, mayroon pang natitirang indibidwal sa pantalan na patuloy namang binibigyang asistensiya nang kanilang hanay.
Paliwanag ni Olea, mismong ang shipping lines na ang nagkansela sa biyahe dahil sa nararanasang malakas na pagbuhos ng ulan at masamang sitwasyon sa karagatan.
Maaalala, nauna na ring kinansela ang biyahe mula Pasacao Port hanggang sa Masbate dahil na rin sa nasabing bagyo.
Maliban dito, naglabas rin nang gale warning ang Coast Guard Station Camsur at suspension sa mga buma-biyaheng bangka upang matiyak ang kaligtasan nang lahat.
Samantala, nananatiling naka full alert status ang PCG CamSur kung saan naka-standby ang kanilang mga tauhan para sa mga posibleng pagpatupad ng force evacuation at pagsasagawa nang coastal security patrol at information drive sa lalawigan.
Sa ngayon, patuloy ang abiso nang nasabing opisina sa mga biyahero na huwag nang pumunta sa Pasacao Port upang hindi ma-stranded lalo pa’t nananatiling kanselado ang biyahe dahil sa epekto ng sama nang panahon.














