NAGA CITY – Makailang ulit na nagpagulong-gulong at nahulog sa isang bangin ang pampasaherong bus sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Bernie B. Undecimo, Acting Chief Of Police ng nasabing bayan, sinabi nito na base sa kanilang isinagawang imbestigasyon ang nasabing bus ay galing sa Cubao, Quezon City at papunta naman sa Gubat, Sorsogon kung saan pagdating umano nito sa Tabugon sa probinsiya ng Camarines Norte nagpalitan ang dalawang driver pagkatapos kumain ng mga ito.
Dagdag pa ni Undecimo, habang binabaybay ng bus ang direksiyon papunta sa Del Gallego, sinabi ng mga pasahero na mukha umanong inaantok na ang driver habang ang iba naman ay sinabi na mukhang inatake sa puso, dahilan upang makabig nito ang manibela na naging rason ng pagkahulog ng bus sa bangin.
Samantala, 23 na indibidwal ang nairehistrong sugatan habang 4 na katao naman ang kumpirmadong patay sa nasabing insidente.
Binigyang-diin pa ni Undecimo na ang pinangyarihan ng aksidente ay hindi accident prone area kung saan straight lane at four lanes ito ngunit bangin umano ang nasa gilid nito.
Iginiit pa ng opisyal na dapat managot ang bus company na may ari ng bus dahil may mga binawian ng buhay at mayroong damage of properties kaya sa ngayon tinitingan umano nila ang pagsasampa ng kaso.
Sa ngayon, paalala na lamang ni Undecimo sa publiko na palaging mag-ingat lalo na sa mga biyaheros na dadaan sa nasabing lugar upang hindi na mangyari pa ang nasabing aksidente.














