NAGA CITY – Nananatiling naka-alerto an Bureau of Fire Protection Camarines Norte ilang oras bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Fire Superintendent Emmanuel G Ricafort, Provincial Fire Marshal ng BFP Camarines Norte, sinabi nito na umaasa ang kanilang na hanay na ngayong ilang oras na lang ang hinihintay sa pagdiriwang ng bagong taon, wala umanong mairehistrong insidente kaugnay pa rin sa mga paggamit ng mga paputok.
Maalala, noong nakaraang pagdiriwang ng pasko, wala umanong nairehistrong anumang insidente ang nasabing probinsiya at mapayapa aniya nila itong naipagdiriwang.
Ayon pa kay Ricafort na sa ngayon, patuloy ang kanilang pagpapaalala sa publiko na manatiling ligtas kung saan naka-full alert status pa rin ang kanilang hanay mula pa noong nakaraang December 23, upang magbantay at maiwasan ang sunog o kaya man naman anumang emerhensiya na pwedeng maitala.
Dagdag pa ng opisyal na sa labing-dalawang bayan sa Camarines Norte, lahat ay mayroong activated na fire station kung saan mayroong sapat na personahe at fire truck na naka-deploy sa nasabing mga lugar.
Ibinahagi pa nito na mayroong itinalagang lugar ang mga kaniya-kaniyang bayan upang doon magsagawa ng fireworks display, at ito umano ang iikotan ng mga BFP personnel upang ma-check ang kaligtasan ng mga taong manonood dito.
Samantala, ayon naman sa datos na ipinalabas ng Deparment of Health- Bicol, mayroong firework-related injuries ang naitala sa nasabing rehiyon kung saan 2 dito sa lalawigan ng Camarines Norte, 6 naman sa probinsiya ng Camarines, habang 2 naman sa Albay, at isa sa Catanduanes.
Sa ngayon paalala na lamang ni Ricafort sa lahat na paghandaan at tiyaking ligtas ang pagsalubong ng bagong taon at palagi umanong isaalang-alang ang kaligtasan ng bawat isa upang mas maging makabuluhan, masaya at mapayapa ang pagdiriwang ng bagong taon.













