Naghain ng ethics complaint ang ilang women’s rights advocates laban kay Quezon City Rep. Bong Suntay matapos ang kanyang kontrobersyal na pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis, isang araw matapos utusan ng House Committee on Ethics ang mambabatas na humarap sa imbestigasyon.
Kasama sa paghahain ng reklamo si Gabriela Rep. Sarah Elago at iba pang tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan. Ayon sa mga naghain ng reklamo, hindi ipinakita ni Suntay ang tunay na pagsisisi sa kanyang ginawa at nanatili siyang depensibo sa kanyang pahayag.
Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Suntay na nakita niya si Curtis sa mall at inilarawan siya bilang “so beautiful” at nagkaroon siya ng “desire sa loob ko na nag-init talaga.” Bagaman humingi ng paumanhin ang mambabatas sa mga na-offend, iginiit niya na walang masamang intensyon sa kanyang sinabi at handa siyang harapin ang anumang kaparusahan.
Binigyang-diin ni Suntay ang kanyang rekord sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan, kabilang ang pagiging co-author ng Gender and Development Code at Bawal Bastos Ordinance noong siya ay konsehal ng Quezon City.
Ayon naman kay dating Gabriela party-list Rep. Liza Maza, mas mabigat dapat ang parusa kay Suntay dahil siya ay isang mambabatas at hindi siya nagpakita ng tunay na pagsisisi sa kanyang pahayag.
“Pag-aralan niya ang batas kasi mambabatas siya. Dahil mambabatas siya, dapat mas mabigat ang parusa niya kaysa sa ibang tao,” ani Maza.









