Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), higit 80% ng mga Pilipino ang naniniwala na ang pangunahing tungkulin ng babae ay ang pag-aalaga sa tahanan at pamilya, habang marami rin ang naniniwala sa kahalagahan ng pagiging housewife bilang kapantay ng pagtatrabaho.
Lumabas sa isinagawang SWS survey mula Nobyembre 24 hanggang 30 na 83% ng mga Pilipino ang sumang-ayon sa pahayag na “A man’s job is to earn money; a woman’s job is to look after the home and family,” na may net agreement score na +75, na itinuturing na “extremely strong.”
Nagtala rin ng mataas na suporta ang pahayag na “being a housewife is just as fulfilling as working for pay,” kung saan 81 porsiyento ang sumang-ayon, 11 porsiyento ang hindi, at 7 porsiyento ang undecided, na may net agreement score na +71.
Samantala, 75 porsiyento ang naniniwala na “a job is all right, but what most women really want is a home and children,” na may net agreement score na +60.
Sa kabila ng mataas na suporta sa tradisyunal na papel ng kababaihan, 71 porsiyento rin ang naniniwala na “a working mother can establish just as warm and secure a relationship with her children as a mother who does not work,” na may net agreement score na +53.
Gayunpaman, 63 porsiyento ng mga respondents ang naniniwala na “a preschool child is likely to suffer if his or her mother works,” na may net agreement score na +37, na itinuturing ng SWS bilang “very strong.”
Ipinapakita ng resulta ng survey ang patuloy na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa tradisyunal na tungkulin ng kababaihan sa tahanan, ngunit may pag-amin din sa kakayahan ng mga working mothers na magbigay ng mainit at ligtas na ugnayan sa kanilang mga anak.














