Nagsampa ng kaso ang ama ng nasawing maritime student na si Mark Kenneth Alcedo laban sa 14 na miyembro ng Tau Gamma Phi na umano’y sangkot sa hazing na ikinasawi ng kanyang anak.
Ayon sa ama ng biktima na si Elegio Alcedo, dapat umanong tumulong ang fraternity upang isuko sa mga awtoridad ang iba pang miyembro na sangkot sa insidente.
Sinabi rin nito na hindi siya kuntento sa pagsuko ng unang apat na suspek sa General Trias Police Station.
Sa kasalukuyan, anim na suspek na ang nasa kustodiya ng pulisya habang 12 katao ang nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law of 2018.
Giit ng ama ng biktima, malinaw umanong hindi lamang simpleng hazing ang nangyari kundi binugbog ang kanyang anak ng hindi bababa sa 20 miyembro ng fraternity.
Samantala, patuloy ang panawagan ng pulisya sa mga lider ng fraternity na isuko ang iba pang sangkot sa hazing na nagresulta sa pagkamatay ng maritime student.













