Hindi gaanong suportado ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang pagpapatupad ng 4-day work week sa pribadong sektor dahil sa pangamba na maaaring hindi ito maging epektibo sa lahat ng kumpanya.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luiz, hindi dapat gawing sapilitan sa mga employer ang pagpapatupad ng naturang iskedyul ng trabaho.
Ipinaliwanag niya na magkakaiba ang uri ng operasyon ng bawat kumpanya kaya’t maaaring epektibo sa ilan ang ilang work arrangement tulad ng work from home, ngunit hindi naman ito angkop para sa iba.
Sa kabila nito, sinabi ng ECOP na handa silang tumugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang 4-day work week bilang hakbang upang makatipid sa paggamit ng enerhiya.
Magugunitang ilang local government units na sa bansa ang nagpatupad na ng apat na araw na work week bilang paraan upang mabawasan ang konsumo sa enerhiya at gasolina.











