Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naaprubahang taas-pasahe sa pampublikong transportasyon at iniutos ang agarang ipatupad ang libreng sakay, diskwento sa MRT at LRT, at bawas-singil sa toll road para sa mga commuter.
Ayon sa Pangulo, hindi pa tamang panahon para ipatupad ang fare hike dahil sa epekto ng patuloy na tensyon sa Middle East. Inatasan niya ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang implementasyon nito upang maibsan ang dagdag gastos ng mga manggagawa at estudyante.
Kasabay nito, tiniyak ni Marcos na madadagdagan ang suporta sa mga transport worker. “Huwag pong mag-alala ang ating mga transport workers dahil mamadaliin po namin, dadagdagan po namin ang suporta sa inyo para naman ay hindi kayo masyadong mahirapan. Ang DOTr ang pinutusan ko na sisimula na ang libreng sakay sa buong Pilipinas at pwede na po ninyong gamitin ito para pangbawas sa gastusin sa araw-araw,” ani Marcos.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng programa ng administrasyon na maibsan ang pasanin sa mga commuter habang patuloy na nagbabantay sa sitwasyon sa gitnang Silangan na maaaring makaapekto sa presyo ng transportasyon at langis.













