Photo © web

Plano ng Department of Budget and Management (DBM) na gamitin ang humigit-kumulang P20 bilyon mula sa Malampaya Gas Project upang pondohan ang bulk oil purchases bilang tugon sa epekto ng krisis sa Middle East.

Ayon kay Acting Budget Secretary Rolando Toledo, may nakalaan nang kabuuang P210 bilyon mula sa kasalukuyang pondo ng pamahalaan, kabilang ang bahagi ng General Appropriations Act (GAA).

Dagdag pa niya, kung maisasama ang pondo mula sa Malampaya Gas Project, maaaring umabot sa P230 bilyon ang kabuuang magagamit para sa pagtugon sa krisis sa enerhiya.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DBM sa Department of Energy upang maisakatuparan ang plano, partikular sa pagbili ng langis nang maramihan upang mapanatili ang suplay at makontrol ang presyo.

Advertisement

Samantala, patuloy na nagbibigay ng malaking kita sa bansa ang Malampaya Gas Project, na umabot na sa higit $13.9 bilyon ayon sa ulat ng Prime Energy.

Layunin ng pamahalaan na gamitin ang mga pondong ito upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at maprotektahan ang ekonomiya at mga mamamayan laban sa pandaigdigang krisis sa enerhiya.

Advertisement