Nilinaw ng Malacañang na ang anumang pagbawas o pagsuspinde ng excise tax sa petroleum products ay ipatutupad lamang sa mga bagong import ng fuel at hindi saklaw ang kasalukuyang imbentaryo ng mga kumpanya ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang probisyon ng Republic Act No. 12316 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 25 ay malinaw na para lamang sa mga bagong dating na suplay ng langis sa bansa.
“Gusto lang nating liwanagin ito. Itong pagpataw or pag-reduce, pagtanggal, pag-suspend ng excise tax, ito po ay para sa bagong parating na bagong supply ng fuel,” ani Castro sa isang panayam sa radyo.
Ipinaliwanag niya na ang excise tax ay ipinapataw sa oras ng pagpasok ng fuel sa bansa, kaya hindi ito maaaring i-apply sa kasalukuyang imbentaryo ng mga oil companies.
“Hindi ‘yung inventory nila ngayon ‘yung papatawan, ‘yung sabihin na wala nang excise tax. Hindi po. Kung ano lang yung papasok, kasi upon entry iyan,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12316, binibigyan ang Pangulo ng emergency powers upang pansamantalang bawasan o isuspinde ang excise tax sa petroleum products bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, lalo na dulot ng sigalot sa Middle East. Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa pahayagan.
Gayunman, wala pang tiyak na pagtataya kung gaano kalaki ang magiging epekto nito sa presyo ng langis sa bansa dahil sa patuloy na pagbabago ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
“Kailangan lamang nilang i-compute kasi sabi nga natin ang presyo ng krudo is pabago-bago sa ngayon,” ani Castro.
Dagdag pa niya, maaari lamang gamitin ang naturang kapangyarihan kung aabot sa USD80 kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng 30 magkakasunod na araw.
“‘Pag biglang bumaba, naging USD79 o USD78, hindi siya agad magagamit. Hindi pwedeng i-reduce o i-suspend yung excise tax kasi bumaba yung presyo ng fuel,” paliwanag niya.














