Nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas noong 2025 ang ischemic heart diseases, ayon sa inilabas na provisional report ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Batay sa ulat ng PSA, umabot sa 111,896 ang naitalang pagkamatay dahil sa ischemic heart diseases mula Enero hanggang Nobyembre 2025, na katumbas ng 19.7 percent ng kabuuang bilang ng mga nasawi sa bansa.
Ayon sa United States National Institutes of Health o NIH, ang ischemic heart disease ay kondisyon kung saan hindi sapat ang suplay ng dugo at oxygen sa kalamnan ng puso dahil sa pagbabara ng coronary arteries dulot ng fatty plaques.
Pumangalawa naman sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ang neoplasms o cancer-related tumors na may 64,864 kaso o 11.4 percent ng kabuuang deaths.
Nasa ikatlong puwesto naman ang cerebrovascular diseases kabilang ang stroke at aneurysm na may 55,756 kaso o 9.8 percent.
Ayon sa PSA, nananatiling pareho ang top three causes of death sa bansa kumpara noong 2024 sa kaparehong panahon.
Samantala, pumang-apat ang pneumonia na may 38,607 kaso habang panglima naman ang diabetes mellitus na may 34,611 na naitalang pagkamatay.
Nilinaw ng PSA na ang datos ay batay lamang sa mga death reports na naiproseso hanggang Marso 31, 2026 at maaari pang mabago sa ilalabas na final report sa Enero 2027.








