Kinontra ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang pahayag ni Senador Imee Marcos kaugnay sa panukalang online participation o remote attendance ng mga senador sa mga sesyon ng Senado, lalo na sa gitna ng usapin kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Cardinal David, mas dapat umanong pagtuunan ng pansin kung bakit hindi personal na dumadalo sa sesyon si Senador dela Rosa sa kabila ng patuloy nitong pagtanggap ng suweldo bilang halal na opisyal.
Nauna nang sinabi ni Senador Imee Marcos na maituturing umanong “disenfranchisement of voters” ang hindi pagpapahintulot sa ilang senador na makalahok sa Senado sa pamamagitan ng online voting o remote participation.
Ngunit sa isang social media post nitong Biyernes, kinuwestiyon ni Cardinal David kung bakit kinakailangan pang payagan si Dela Rosa na dumalo online kung maaari naman umano itong humarap nang personal sa Senado.
“Bakit ’di siya umattend physically? Bakit siya a-attend online? May sakit ba siya? Ah, ok, baka arestuhin siya?” ani Cardinal David.
Binanggit din ng cardinal ang naging special protective custody kay Dela Rosa at ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, kasabay ng panawagang repasuhin ang kahulugan ng “force majeure” sa Senate rules.
Samantala, nag-walkout naman ang Senate minority bloc noong Mayo 26 bilang protesta sa umano’y minamadaling pag-amyenda sa mga patakaran ng Senado hinggil sa online participation ng mga senador.








