Sa kabila ng nagpapatuloy na rollback sa presyo ng petrolyo na umaabot sa halos ₱9.26 kada litro ng diesel, iginiit ng isang grupo ng transportasyon na malayo pa rin ito sa dating antas ng presyo bago ang krisis, na nasa humigit-kumulang ₱55 kada litro ng diesel at ₱57 sa gasolina noong Pebrero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mody Floranda, Condor Piston National President, sinabi nito naang kasalukuyang pagbaba ng presyo ay maituturing lamang na pagbawi mula sa sunud-sunod na pagtaas ng langis sa mga nakaraang linggo. Giit pa nila, nananatili ang pangamba sa posibleng muling pagtaas ng presyo dahil sa kontrol ng mga kumpanya ng langis sa suplay at sa galaw ng pandaigdigang merkado.

Batay sa datos na inilatag, tinatayang may dagdag-kita o ginhawa na nasa ₱300 kada araw ang isang tsuper na kumokonsumo ng humigit-kumulang 30 litro ng diesel, dahil sa kasalukuyang rollback.

Isinusulong din ng grupo ang tuluyang pagbasura sa excise tax at value-added tax (VAT) sa ilalim ng TRAIN Law, na ayon sa kanilang panukala ay maaaring magpababa ng presyo ng langis ng hanggang ₱15 kada litro. Kaugnay nito, nananawagan din sila ng pag-amyenda o tuluyang pagbabasura sa Oil Deregulation Law upang mapigilan umano ang monopolyo at pagsasamantala sa industriya ng langis.

Advertisement

Samantala, binigyang-diin din ang kahalagahan ng nalalapit na pagbubukas ng klase, kung saan inaasahang tataas ang demand sa pampublikong transportasyon dahil sa mga estudyanteng pangunahing pasahero ng mga jeepney. Kaugnay nito, nananawagan ang sektor sa DOTr at LTFRB na payagan ang patuloy na rehistrasyon at renewal ng mga tradisyunal na jeepney upang maiwasan ang kakulangan sa sasakyan.

Sa gitna ng mga isyung ito, nananatili ring nakabinbin sa LTFRB ang petisyon para sa dagdag-pasahe, na ayon sa mga operator at tsuper ay hindi para sa kita kundi upang matugunan ang tumataas na gastos sa operasyon at “maidugtong ang buhay” ng kanilang kabuhayan.

Kabilang din sa mga pangunahing adbokasiya ng grupo ang panawagan para sa ₱1,200 na pambansang minimum wage, na layuning tugunan ang patuloy na pagtaas ng gastusin ng mga manggagawa sa bansa.

Inaasahang maglalabas ng pinal na desisyon ang LTFRB sa mga susunod na araw kaugnay ng petisyon para sa fare adjustment, habang nagpapatuloy ang panawagan ng sektor ng transportasyon para sa mas malawak na reporma sa buwis at patakaran sa langis.

Advertisement